Una: Primera, first. Pangunahin. Maaring pinaka maganda, o pinaka magaling. Top. Very, super, mega.
Mahirap bigyan ng depinisyon pero alam kong alam niyo ang tinutukoy ko. Lahat tayo ay may elemento ng una. Maaring meron tayong inuuna o meron na tayong inuna. Maaring ikaw ay una, maari rin namang nais mong mauna. Pangunahin. Lahat tayo ay may pangunahin sa buhay. Prayoridad: sa tingin ko'y ito ang tamang salita.
Ano ang prayoridad mo sa buhay? Marahil kung estudyante ka ay pag-aaral. Marahil kung ikaw ay isang magulang ay ang iyong pamilya. Kung nakakatayo ka na sa sarili mong paa, maaring trabaho ang inuuna mo. Hmm...kung ikaw ay isang yaya, maaring inuuna mo ang imong alaga. Siguro kung ikaw ay isang party peeps ang prayoridad mo'y pagtungga. Kung ikaw ay magsasaka, marahil ang inuuna mo'y palay. At kung ika'y isang doktor, malamang ang inuuna mo'y ang pilay.
Iba't-ibang grupo ng mga tao, iba't-ibang prayoridad. Pero pag-usapan nating ang pangkalahatan. Hindi kung ano ang prayoridad mo bilang isang bata, o matanda. Hindi kung ano ang nais mong unahin bilang isang sikat na artista, o bilang isang labandera.
ANO ANG PRAYORIDAD MO BILANG ISANG TAO?
Ako ay isang simpleng tao lang. Isang tambay na Research grad na nagtatrabaho sa bahay bilang isang Proofreader. Hindi man ako bigtime sa tunay na buhay, pero malayo ang nais kong marating sa...di tunay na buhay. Haha. Kung makikita mo ang mga nagkalat kong social networking accounts sa internet, lagi mong mababasa sa ABOUT ME section na I'm a daughter of a million dreams. Napakarami kong gustong marating! Napakarami kong gustong maging. Sa sobrang dami...hindi ko alam kung ano ang uunahin ko. Kaya puro ako first step. First step na hindi na nadagdagan. Ewan ko ba. Pinanganak ba akong isang dreamer o isang pasikat?
Ilang beses na akong sumusubok. Hindi naman ako nabibigo. Yun nga lang, hindi ako umuusad, kasi nga malabo ang priorities ko. So hindi ko pwedeng sabihin na bumabangon ako, kasi hindi naman ako nadadapa. Lumiliko nga lang.
Mukha ba akong kawawa? Isang batang nawawala sa Divisoria. Paliko-liko sa mga eskinita, kung saan-saan lumulusot basta makakita ng lagusan. Kung saan-saan gumagapang, makahanap lang ng daan palabas. Hanggang may narinig ako, "Tumigil ka muna, Carmela. Tigil muna."
So tumigil ako. Umupo. Nag-pahinga. Nag-isip. Naalala ko...hindi nga pala ako nag-iisa. Siguro hindi na lang nagsasalita yung kasama ko kasi hindi ko naman siya mapakinggan dahil nga busy-busyhan ako sa kakahanap ng panibagong tatahaking kalye. Siguro tatawa-tawa na lang siya habang pinapanood akong paikot-ikot sa Divisoria, "Tsk...itong anak ko talaga. Ang kulit. Nabingi nanaman."
Ang ingay naman kasi sa Divisoria. Sa sobrang ingay hindi ko na siya narinig. At sa sobrang daming tao, hindi ko na rin siya nakita. Kaya ngayong nakatigil ako, sasamantalahin ko na ang pagkakataon. Hinanap ko yung kasama ko, at kinausap ko siya:
"Lord, ang hirap pala talagang maging mag-isa. Ilang beses akong nagpaikot-ikot, hindi ako makalabas. Ganito pala kapag mag-isa Lord. Nakakapagod."
"Ikaw naman kasi, 'nak. Nalunod ka na sa ingay ng buhay mo, hindi mo tuloy marinig ang mga bulong ko."
Maingay ang buhay ko. Sa sobrang ingay, nabingi ako. Malabo ang priorities ko. At sa sobrang labo, nabulag ako. Nawala ako sa kaguluhan pero pinatigil ako ng Panginoon para makapag-isip. Ngayon, natutunan ko siyang i-prioritize. UNA. Ang Diyos ang aking una.
Bakit?
Sa Kanya nanggaling ang buhay ko. Kung wala akong buhay, malamang, wala ako, walang nagsusulat ng blog na'to, at walang batang ligaw sa Divisoria. Sa Kanya nanggaling ang mga pangarap ko. Siya ang nagbigay sakin ng isip. Kung wala akong isip, hindi sana ako nangangarap ngayon. Ang Diyos ang nagbigay ng lahat sa akin. Kung wala ako ng lahat na ito, wala ako. Kasi tayo ay binubuo ng lahat-lahat sa atin. Kung wala ang mga ito, walang nagbibigay kahulugan sa'yo, wala ka. Non-existent.
In short, sa Panginoon ako nagmula. Una akong sa Kanya at hinding-hindi ko ibibigay ang sarili ko sa iba. Una ako sa Kanya, kaya una rin Siya sa akin. Una akong sa Kanya at hinding-hindi ako magpapahuli na mapasakanya. Mahal kita Lord, pero una mo akong minahal. Kaya sa'yo lang ako. Ikaw ang una ko. Ikaw ang elemento ko ng una. Ikaw lang, O Diyos. Ikaw lang.