Pages

Monday, November 5, 2012

Pastors' Appreciation Month Video Presentation




Below is the original piece for the narration on the video. To all my international readers (as if I have some. AS IF I HAVE READERS in general! Hahaha), the piece, as well as the video is in Filipino. So sorry about that. Heh.

---

Madalas kaming maglokohang magkakaibigan. Sino kaya ang magiging susunod na pastor sa amin? Madalas namin tong gawing biruan kasi wala talagang may gusto! Pagkatapos ng tanong ayan na ang turuan, wagas na pagtutol, at ang tawanang parang wala nang bukas. Ako? Madalas nila akong ituro. Nako! Ayoko nga. Ano ako? Matanda? Tsaka may nais akong marating no! Gusto kong maging engineer para yumaman ako. Hindi ako yayaman sa pagiging pastor. Ayoko. Ayoko talaga!

Napakahirap maging pastor! Wala ka na ngang sweldo, ang dami mo pang kailangang asikasuhin! Bukod sa pag-aaruga sa pamilya mo, andyan pa yung mga members ng church. Bukod sa pag-aasikaso sa pagpapaganda ng bahay mo, andyan pa yung pagpapaganda sa simbahan. Bukod sa pananalangin sa mga pangangailangan mo, andyan pa yung ipapanalangin mo yung ibang tao...minsan hindi mo pa kilala. Ako? Hindi ko kaya yan.

Hindi ko na nga maasikaso yung mga alaga ko sa Pet Society, aasikasuhin ko pa yung mga members? Napapabayaan ko na nga yung bukid ko sa Farmville, lilinisan at pagagandahin ko pa yung church? Problema ko na nga yung pang-DOTA ko, pro-problemahin ko pa yung pang-tuition ng ibang tao? Yung totoo?!

Eto pa a, napakahirap maging pastor kasi kailangan maging totoo ka sa mga sasabihin at gagawin mo. Kailangan kapag sinabi mong huwag iiyak, dapat di ka iiyak. Dapat kapag sinabi mong seryoso, dapat seryoso ka din. Dapat kapag sinabi mong huwag matakot, di ka rin dapat matatakot! Tapos kailangan marunong kang makibagay sa lahat ng klase ng tao. AS IN LAHAT. Sa mga bata, sa mga teen agers, sa mga matatanda, sa mga bingi, sa mga bungi, sa mga problemado, sa mga aning-aning, et cetera. Kailangan marami kang alam para may maikukwento ka sa iba't-ibang uri ng tao. Meh. Kung ganyan lang din wag na no. Hindi kasi ako madaldal. Sa school, kapag walang prof, madalas mo akong makita sa isang sulok ng room at nagsesenti. Wala akong maraming friends. Sa Facebook ang makikita mo dun: Francisco Magpantay. Friends: 5. Yung nanay ko, yung tatay ko, pati yung tatlo kong kaibigan na inadd lang ako para magpa-like ng pictures nila. Kaya hindi. Hindi ako pwedeng maging pastor.

Mahirap maging pastor kasi dapat lagi kang magalang. Akay dito, akay doon. Mano dito, mano doon. Tapos dapat lagi kang nakangiti! Tsaka bawal ang snob! Kasi kapag may isa kang hindi pinansin...tsk tsk tsk...tampururot ang labas niyan. Haaaaaay. Hindi talaga ako pwedeng maging pastor. Bagsak kasi ako sa GMRC. Tsk. Pasang awa pa sa Values Education. Meh.

Isa pang dahilan kung bakit ayokong maging pastor? Dapat lagi kang maayos! Yung postura mo, yung tindig mo, dapat matikas! Feeling mayor?! Tapos yung kilos mo dapat may poise! Dapat mukhang kagalang-galang ang lakad. Tapos dapat laging malinis at fresh tignan! Dapat laging mukhang bagong ligo! Nako! Pano na lang kung tagtuyot at walang tubig?

Wala. Hindi talaga ako papasa bilang pastor. Bakit? Kasi ang mga pastor, mababait. Mahilig makisimpatya sa mga tao. Tapos ang hilig pa nilang magpalakas ng loob ng iba. Pakialam ko naman sa kanila? E ako nga hindi nila pinapansin e. Duh. Magpalakas ng loob? Pfffft. Ako na pinaglihi sa sama ng loob?! Pwede ba?!

Natatawa ako kung gaano ako ka-OA magreact noon. Kung anu-ano na inisip ko. Puro reklamo. Ngayon ko lang narealize na napakalaki kong patawa. Bakit? Una, wala namang pumipilit saking mag-pastor pero ang dami ko nang pinagsasabi diba? Hahaha! Narealize ko na may mga taong pinili para maging kagaya nila. May mga espesyal na taong pinagkalooban ng puso na kaiba sa ating mga ordinaryong tao lang. Kaya nakakagawa sila ng mga bagay na kailanman ay mahihirapan tayong gawin. Yung pagiging maasikaso, mapagmahal sa tao, yung pagiging maalaga nila...built-in na sa kanila yun. Kung satin yun wala pa atang installer para dyan e.

Pangalawa, sa dinami-rami ng mga pinagrereklamo ko, narealize ko na napakaraming hirap at sakripisyo ang pinagdadaanan ng isang pastor. Mantakin niyo na lang, gigising sila at mananalangin para sa pamilya at sa sarili niya, may mga isasabit pa siya. Sa kanya? May nananalangin ba? Kapag linggo, siya ang nagbubukas ng simbahan sa umaga, sa gabi, siya pa ang magsasara. Sa isang araw, ilang kilometro ang nilalakad nila, ilang galon ng laway ang inilalabas nila kaka-follow up satin, tapos di naman tayo umaattend. Grabe diba?

Kaya sa inyong lahat, gusto ko lang sabihin na proud na proud ako sa mga pastor ko! Kasi sila, higit pa sa superhero ang powers nila. Hindi man sila sikat tulad ni Vilma Santos, sa puso ko super-mega-diamond-star for all seasons sila. Hindi man nila kamukha si Coco Martin, kamukha naman nila si Brad Pitt! Hindi man sila pinapalakpakan ng libo-libong fans, papalakpakan ko naman sila, kasama ang libu-libong angels! At alam ko...hindi man natin sila madalas na mapasalamatan, hindi man natin sila madalas na maappreciate, meron sa kanilang laging nakatingin at nakangiti habang nagmamasid. Alam ko hindi na rin Siya makapaghintay na mayakap sila at masabihan ng, "Well done, my good and faithful servant."      


0 comments:

Post a Comment